Paano dapat magsagawa at pumasok sa pagiging matapat ang isang tao?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Pagsisikap na matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at napakasimple lamang isagawa ito. Dapat kang magsimula sa pagiging matapat na tao at pagsasabi ng totoo, at pagbubukas ng puso mo sa Diyos. Kung may isang bagay na hiyang-hiya kang sabihin sa mga kapatid mo, dapat kang lumuhod at sabihin iyon sa Diyos sa panalangin. Ano ang dapat mong sabihin sa Diyos? Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nasa puso mo; huwag kang sumambit ng mga salitang walang katuturan o magtangkang lokohin Siya. Magsimula sa pagiging matapat. Kung naging mahina ka, sabihin mong naging mahina ka; kung naging masama ka, sabihin mong naging masama ka; kung nanloko ka, sabihin mong nanloko ka; kung nagkaroon ka ng masasama at walang-kabuluhang kaisipan, sabihin mo iyon sa Diyos. Kung lagi kang nakikipag-agawan sa katungkulan, sabihin mo rin iyan sa Kanya. Hayaan mong disiplinahin ka ng Diyos; hayaan mong magsaayos Siya ng isang kapaligiran para sa iyo. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos na malampasan ang lahat ng paghihirap mo at tulungan kang lutasin ang lahat ng problema mo. Dapat mong buksan ang iyong puso; huwag mo itong panatiling nakasara. Kahit pagsarhan mo pa Siya, nakikita pa rin Niya ang nasasaloob mo, ngunit kung magtatapat ka sa Kanya, matatamo mo ang katotohanan. Aling landas ang sasabihin mong dapat mong piliin? Magsimula sa pagiging matapat, at huwag magkunwari sa anumang paraan. … Nabubuksan lamang ang puso mo kung ikaw ay nagiging matapat, at kapag nabuksan na ang puso mo, saka lamang nakakapasok ang katotohanan sa iyo at, kapalit nito, nauunawaan at natatamo mo ito. Kung laging nakasara ang puso mo, at hindi ka nagsasabi ng totoo kaninuman, at lagi kang umiiwas at mailap, ano ang kahihinatnan ng lahat ng pag-iwas mo? Kalaunan ay sisirain mo ang sarili mo, at hindi ka makakaunawa o makakatamo ng anumang mga katotohanan.
—mula sa “Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Upang maging tapat, dapat unahin mong ilantad ang iyong puso upang makita ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at makita ang iyong totoong mukha; hindi ka dapat magpanggap o subukang pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ang saligang pagsasagawa ng pagiging tapat, at pangunang kailangan ito. Palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring may kabanalan, pagkamarangal, kadakilaan, at mataas na moralidad. Hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kakulangan. Inihaharap mo ang huwad na larawan sa mga tao, upang maniwala sila na ikaw ay kagalang-galang, dakila, mapagtimpi, walang pinapanigan, at di-makasarili. Ito ay panlilinlang. Huwag magpanggap at huwag itanghal ang sarili; sa halip, ilantad ang sarili at ilantad ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at binabalak gawin sa iyong puso—hindi alintana kung positibo o negatibo man ito—sa gayon hindi ka ba nagiging tapat? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, makikita ka rin ng Diyos, at magsasabing: “Nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, at kung gayon sa harap Ko ay tiyak na tapat ka rin.” Kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos nang hindi nakikita ng iba, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o makatarungan at di-makasarili sa harap nila, kung gayon ano ang iisipin ng Diyos at ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin ng Diyos: “Ikaw ay talagang mapanlinlang, ikaw ay totoong mapagpaimbabaw at hamak, at hindi ka tapat.” Kokondenahin ka ng Diyos nang gayon. Kung nais mo na maging matapat, kung gayon anuman ang iyong gawin sa harap ng Diyos o ng mga tao, dapat makaya mong magbukas at ilantad ang sarili mo.
—mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Sa panahong ito, ang karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga pagkilos sa harap ng Diyos, at samantalang maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Ang anumang hindi makakayanan ang pagmamasid ng Diyos ay hindi kaayon ng katotohanan at dapat na isantabi, kundi ito ay isang kasalanan sa Diyos. Kaya, hindi alintana maging ito man ay kapag nananalangin ka, kapag ikaw ay nakikipag-usap o nakikibahagi sa iyong mga kapatid na babae at mga kapatid na lalaki, o kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain, kailangan mong ilaan ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kapag natupad mo ang iyong tungkulin, ang Diyos ay kasama mo, at hangga’t ang iyong hangarin ay tama at ito ay para sa gawain ng bahay ng Diyos, tatanggapin ng Diyos ang lahat mong ginagawa, kaya buong taimtim mong ialay ang iyong sarili sa pagtupad ng iyong tungkulin. Kapag ikaw ay nananalangin, kung mayroon kang pag-ibig para sa Diyos sa iyong puso at kung ikaw ay naghahangad sa malasakit, pag-iingat, at pagmamasid ng Diyos, kung ito ang iyong mga hangarin, ang iyong mga panalangin ay magiging mabisa. Halimbawa, kapag ikaw ay nananalangin sa mga pagtitipon, kung bubuksan mo ang iyong puso at mananalangin sa Diyos at sasabihin sa Diyos kung ano ang nasa iyong puso nang hindi mangungusap ng mga kasinungalingan—kung gayon ang iyong mga panalangin ay magiging mabisa.
—mula sa “Ginagawang Perpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sa araw na ito, wala sa mga hindi maaaring tumanggap sa pagmamasid ng Diyos ang makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, at sinuman ang hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi magiging perpekto. Tingnan ang iyong sarili at itanong kung lahat ng iyong ginagawa ay maaaring dalhin sa harapan ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harapan ng Diyos, ipinakikita nito na ikaw ay manggagawa ng masama. Ang mga manggagawa ba ng masama ay maaaring gawing perpekto? Ang lahat ng iyong ginagawa, bawat pagkilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat na dalhin sa harapan ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na buhay espirituwal—ang iyong mga panalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, ang pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, ang pakikibahagi sa iyong mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, ang pamumuhay ng buhay sa iglesia, at ang iyong paglilingkod sa iyong tambalan—ay dapat dalhin sa harapan ng Diyos at mamasid Niya. Ito ang uri ng pagsasagawa na makatutulong sa iyo na umunlad sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagmamasid ng Diyos ay ang proseso ng pagdadalisay. Habang lalo mong tinatanggap ang pagmamasid ng Diyos, mas lalo kang dinadalisay, at lalo kang umaayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi mo maririnig ang tawag ng kabuktutan at pagkagumon sa kasamaan, at ang iyong puso ay mabubuhay sa harap Niya. Mas lalo mong tinatanggap ang pagmamasid Niya, mas lalong nahihiya si Satanas at mas nakakaya mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagmamasid ng Diyos ay isang landas na dapat isagawa ng mga tao. Maging anuman ang iyong ginagawa, maging sa panahon ng iyong pagbabahagi sa iyong mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, kung dadalhin mo ang iyong mga pagkilos sa harap ng Diyos at hahangarin ang Kanyang pagmamasid, at kung ang iyong hangad ay upang sundin ang Diyos Mismo, ang iyong pagsasagawa ay magiging mas tama. Kung dinadala mo lamang ang lahat ng iyong ginagawa sa harapan ng Diyos at tinatanggap ang Kanyang pagmamasid saka ka pa lamang magiging isang tao na tunay na nabubuhay sa harapan ng Diyos.
—mula sa “Ginagawang Perpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang ibig sabihin ng katapatan ay ang ibigay ang inyong puso sa Diyos; huwag kailanman maging huwad sa Kanya sa anumang bagay; maging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi kailanman nagtatago ng katotohanan; huwag kailanman gawin yaong nanlilinlang sa mga nakatataas at nagliligaw sa mga nasa ibaba; at huwag kailanman gawin yaong pagmamagaling lamang ng iyong sarili sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay ang pag-iwas sa karumihan sa mga kilos at salita, at ang hindi manlinlang ng Diyos o tao. … Ang iba ay matino at maayos kung kumilos at tila lalong “pinong kumilos” sa presensiya ng Diyos, ngunit nagiging suwail at lubusang nawawalan ng lahat ng pagpipigil sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganoong tao sa hanay ng mga matapat? Kung ikaw ay isang ipokrito at isa na bihasang makipagsosyalan, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay tiyak na isa na nagwawalang-bahala sa Diyos. Kung ang iyong mga salita ay puno ng mga pagdadahilan at walang-kabuluhang mga pangangatwiran, kung gayon sinasabi Ko na ikaw ay isa na lubhang nasusuklam na magsagawa ng katotohanan. Kung marami kang mga itinatago na atubili kang ibahagi, at kung ayaw na ayaw mong ilantad ang iyong mga lihim—ibig sabihin, ang iyong mga paghihirap—sa harap ng iba upang sa gayon ay hanapin ang daan ng liwanag, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isa na hindi madaling makakatanggap ng kaligtasan at hindi kaagad makakaahon mula sa kadiliman. Kung ang paghahanap sa daan ng katotohanan ay nakalulugod sa iyo nang mabuti, kung gayon, ikaw ay isa na laging nananahan sa liwanag. Kung galak na galak kang maging isang tagapagsilbi sa tahanan ng Diyos, masipag at matapat na gumagawa nang nakakubli, laging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, kung gayon ay sinasabi Ko na ikaw ay isang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isang matapat na tao lamang. Kung handa kang maging lantad, kung handa kang gugulin ang iyong lahat-lahat, kung kaya mong isakripisyo ang iyong buhay para sa Diyos at tumayong saksi, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.
—mula sa “Tatlong Paalaala” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Kung nais mong makatugon sa pagtupad ng iyong tungkulin—at hindi gumawa lamang nang walang sigasig at linlangin ang Diyos, kung gayon ay kailangan mong lunasan ang suliranin sa pagiging isang matapat na tao. Habang tinutupad mo ang iyong tungkulin ay kailangan mong tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo, kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos, at kailangan mong isagawa ang mga bagay na ito nang mahigpit ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung matuklasan mo na ikaw ay walang interes, manalangin ka sa Diyos. Kung matuklasan mo ang iyong sarili na sinusubukang linlangin ang Diyos, dapat mong kilalanin ang paglabag na ito. Hindi mo ito mapagtatakpan, hindi ka makapagpapanggap, kahit pa baluktutin ang katotohanan upang ibunton ang sisi sa iba. Kailangan mong maging ganito kataimtim tungkol sa mga bagay na iyong ginagawa, at masigasig na pakitunguhan ang iyong bawat salita at pagkilos. Ang mga salita ay gawing lapat sa katotohanan, hanapin ang totoo mula sa mga katotohanan, at huwag pagandahin ang iyong mga salita ng pagkukunwari. Kung ikaw ay makatuklas ng paglabag, bukod sa pananalangin sa Diyos, dapat mo ring lantarang aminin ito sa iba. Huwag umurong dahil sa pag-aalala para sa iyong sariling reputasyon. Dapat mong matapang na harapin ang mga katotohanan. Ang pagsasanay na tulad nito ay makabuluhan, at ito ay garantisadong magiging kapaki-pakinabang sa iyo. Una, maaari nitong dagdagan ang iyong tiwala sa pagiging isang matapat na tao. Pangalawa, maaari itong magturo sa iyo na huwag matakot sa pagkapahiya, at isuko ang iyong karangyaan at pagsasaalang-alang sa sarili. Ikatlo, maaari itong magbigay sa iyo ng lakas ng loob upang harapin ang mga katotohanan at igalang ang mga katotohanan. Ikaapat, maaari itong bumuo sa iyo ng pagnanasa upang hanapin ang katotohanan sa mga bagay na iyong ginagawa. Pagkatapos ng pagsasanay sa ganitong paraan sa isang panahon, ang mga tao ay magiging lalong matapat sa pagtupad ng kanilang tungkulin, mas makatotohanan sa paggawa ng mga bagay, at mababawasan ang pagkahuwad. Mababa pa sa ilang taon sila ay magiging matatapat na tao na tinatanggap ang kanilang ginagawa ng taos-puso at taimtim at mga responsable kapag inaasikaso ang kanilang mga pamumuhay. Ang gayong mga tao ay mas maaasahan kung ikukumpara sa iba sa pagtupad ng kanilang tungkulin at paggawa ng kanilang gawain. Kapag ang bahay ng Diyos ay gumagamit ng gayong mga tao, maaaring garantiyahin na walang magiging mali.
—mula sa Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
Sa ngayon, ikaw ay nasa proseso ng pagsasanay para maging matapat na tao. Sa proseso ng pagsasanay ano ang dapat mong pagtuunan ng pansin? Dapat mong pagtuunan ng pansin ang pagkilala sa Diyos at bigyang-pansin ang pag-unawa sa katotohanan. Dapat kang magkaroon ng tunay na pagpasok mula sa positibong panig. Kung ikaw ay papasok mula sa positibong panig, ang mga tiwaling bagay mula sa negatibong panig ay tuluyang maglalaho, at ito ay mahalaga. Halimbawa, para maging matapat na tao, kailangan mo munang magtaglay ng katunayan at katotohanan na hinihingi para maging matapat na tao. Pagkatapos mong gawin ito, ang matapat na bahagi mo ay lalago at ang mga kasinungalingan at katusuhan ay kusang mababawasan, tama? Kagaya ng tasa na puno ng maruming tubig. Hindi mo ito puwedeng itapon, kaya ano ang iyong gagawin? Dapat kang magbuhos ng ilang malinis, mabuting tubig sa tasa at kusang lilinisin ng mabuting tubig ang maruming tubig. Ngayon kinakailangan mong patatagin ang iyong sarili gamit ang katotohanan, at sa sandaling nakapasok ang katotohanan sa kalooban mo, tuluyang maglalaho ang mga negatibong bagay sa kalooban mo.
—mula sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay
Pinagmumulan:https://tl.kingdomsalvation.org/practice-entry-into-being-an-honest-person.html
_________________________________________________________
Ano ang katapatan? Ang katapatan ay kasangkot sa puso ng tao. Ibig sabihin, dapat maging matapat ang ating mga puso; nag-iisip at kumikilos tayo sa parehong paraan; dapat tayong maging dalisay sa ating mga kilos at salita; dapat nating gawin ang lahat ng bagay sa harap ng Diyos at tanggapin ang pagmamasid ng Diyos. Ang mga gumagawa lamang sa mga paraang ito ang maaaring purihin ng Diyos at makapasok sa kaharian ng Diyos.