Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan | Sipi 77
Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano sa pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakárátíng na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng mga nakásúnód sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.
Ang “paghatol” sa mga salitang nasabi na dati—ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos—ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni kagaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, ang nilalaman ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring mabago. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaliwanag ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagáwâ nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang di-kapani-paniwala. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ito ay magiging pinakakakila-kilabot at hindi mauunawaan ng mga mortal, aalingawngaw ito hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi ay papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong nakakatakot at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong tagpo ay napakarangyang pagmasdan at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawa’t tao na maalamat ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na matagal nang sinimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa gitna ng mga tao, at sa buong panahong ito ikaw ay mahimbing na natutulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagsisimula na, ito na ang oras na binabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, nguni’t ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”
___________________________
Narito ang bawat talata ng mga salita ng Diyos ay maaaring ang katotohanan na nagpapahintulot sa atin na ganap na mailigtas. Magpatuloy sa pag-aaral ng salita ng Diyos sa loob ng 20 minuto bawat araw, at sa gayon ay mas makilala mo ang Diyos at mapatatag ang iyong pananampalataya.